start your own blog now!
 
Read other blogs...

bathatula

"madilim ang panahon nang ako'y isilang kaya ang tula'y ginagawang tanglaw sa daraanan"

Tuesday, 20 September 2005

Sining Mula sa Abo*

(Isang taon pagkatapos ng sunog sa buhay ng isang alagad ng sining)

Noong Setyembre 2004, nasunog ang bahay ni Jun Cruz Reyes (JCR), pangunahing kwentista sa bansa, eskultor, pintor at ngayo’y nagtuturo ng humanidades, prosa at panitikang latino amerikano sa UP (Unibersidad ng Pilipinas) sa Diliman. Kasamang natupok ng apoy ang kanyang mga likhang sining, tulad ng eskultura, pintura at mga isinusulat na nobela, term paper, mga gantimpala, medalya, tropeo at iba pa.

Isang taon na ang nakalipas, kinapanayam siya ng Pinoy Weekly (PW), para kumustahin ang kanyang sining at ang kanyang buhay na rin.

PW:            Kumusta na ngayon si Jun Cruz Reyes?

JCR:   Isang taon pagkatapos ng sunog, para akong phoenix, mula sa abo, ako’y papailanlang. Inihahambing ko ang aking sarili sa simulacra ni Baudillard na representasyon ng isang bagay na wala naman. Parang sa pop culture, maraming kopya, wala namang orihinal. Sa isang banda, simulacra rin ako. Walang patunay, walang birth certificate, employee no., mga awards, kahit nga mga isinulat, eskultura, painting, trophy, wala lahat.

Noong nasunugan ako, nakituloy ako sa bahay ng kapatid ko. Isang bahagi iyon ng dirty kitchen na papag lang ang meron. Hindi ako makatulog dahil sa lamok at insekto. Sa umaga, ginigising naman ako ng langaw at tama ng araw. Minsan hindi rin ako makatulog dahil baha ang kalaban, baka mabasa ang kumot ko o kaya’y matangay ng agos ang aking tsinelas. Tabing ilog kasi iyong bahay.

Kailangang patunayan na nandito pa rin ako. Hindi multo, hindi alaala o bahagi ng nakaraan. Noong nasunog ang bahay, ni hindi ko matingnan ang abo ng aking bahay. Lahat ng koleksiyon ko at mga minana sa aking mga ninuno ay natupok. Naging panambak na lang. Parang naliligid ako ng alikabok ng aking mga ninuno.

PW:     Paano ka nakabalik sa nasunog na bahay?

JCR:   Noong lumipat ako sa guho, tanging yung papag lang din ang dala ko. Sa guho, kasama ko ang kalikasan. Sa gabi, natutulog akong kulambo ang mga bituin at kumot ang hamog.

Sa maghapon, nakikipaglaro ako sa araw ng taguan. Doon ako sa hindi kayang abutin ng kanyang silahis. Masarap maging kabahagi ng kalikasan. Pero kapag umulan, matututunan mong hindi laro ang buhay dahil walang sulok na hindi kayang abutin ng mga patak.

Hindi drama ang buhay. Aksiyon ito. Kailangang makitunggali, may kailangang resolbahin. Sa ganitong mga pagkakataon, dinedemonyo ang aking isipan. Tatanggapin ko na ba ang mga alok ng pulitiko na ipagawa ang bahay? Dadaing na ba sa mga kaibigan? Manghihingi na ba ako ng limos? Hindi. Higit kailanman, kailangang patunayan ko na tao ako. Hindi ako makikipagkompromiso kahit kaginhawahan ang kapalit noon.

Sa lahat ng nangungumusta sa akin, isa lang ang sagot ko, mainam. Kahit minsan gusto ko nang bumigay. Ako pa rin ako. Ang tumatanggi sa kompromiso. Lalo’t integridad ang kapalit. Kahit na nga kaginhawahan pa iyon. 

PW:     Paano ka nagsimulang mamuhay ulit sa bago mong bahay?

JCR:            Maraming tumulong, maraming dapat pasalamatan. Pero hindi lang ito usaping ng tabo at timba o ng kahit na basic na pangangailangan tulad ng basahan.  Usapin ito ng pagbangon.  Ako man ay guho rin. Ako man ay mahina na rin. Iyon ang di ko kayang tanggapin. Kung ako’y wala, mula sa wala ko bubuuin ang sarili. Sa wala ako kukuha ng kahulugan. Sa wala ako muling mabubuhay. Ang lahat-lahat nang nilamon ng apoy ay nagiging bahagi na ng nakaraan. Kailangang buuin ang ngayon. 

 PW:     Paano mo nasimulang gawing sining ang mga kagamitan na nilamon ng apoy? 

 JCR:   Noong una, ni hindi ko mahipo ang mga natupok na bagay na maaaring may halaga pa. Tulad ng kutsara, pinggan, iba pa. Hindi ko matingnan nang hindi ako sasagian ng lungkot. Tulad din ng hindi ako makatulog, dahil pagpikit ko apoy ang nakikita. Hindi rin ako makapagsiga. 

Pero may naglalagablab sa aking isipan. Hanggang sa magkaroon ako ng lakas ng loob na pulutin ang mga nasunog na bagay tulad ng computer, scanner, aparador, ref, bentilador at iba pa. Nilinis ko ang mga iyon kahit hindi ko pa alam kung aanhin. Tinangahan na hindi na nanghihinayang. Aanhin ang ref, computer, na hindi na ref at computer. 

Hanggang minsan, naisipan kong kausapin ang mga iyon. Tulad ko, kailangan din nila ng transpormasyon. Inayos ko hanggang lumitaw ang kakaibang hubog hanggang magkaroon ng kahulugan.Sa isang iglap, hindi na basura ang basura. Sining na iyon. May sariling kahulugan, may sariling dahilan.

Sa ganoon ko nadiskubre ang mga unang tunay na ngiti.Kapag kinukumusta ako ng mga kaibigan, totoo na ang sagot kong mainam. Tapos na ang panahon ng panghihinayang, tanggap ko nang ako’y wala. Parang usapin ng matter, anti-matter. Matapos, lulunin ng black hole, nag-uumpisa na naman ang buhay.

PW:            Kumusta naman ang iyong panulat?

JCR:            Kasabay ng pagkabuo ng aking sining, ang transpormasyon ng iba pang sining. Maraming nabubuong kuwento sa aking isip.Salamat sa mga ibinigay na logbook, at bolpen at yellow pad. Para akong gripo na kahit anong oras buksan, may lalabas.  Isang taon na ang nakaraan, may isang libro na akong nabuo, ang Armando, isang bayograpiya ng isang kadre. Pati mga term paper at nobela na nasunog, na hindi na maibalik sa dating anyo ay nagkakaroon na ng sariling buhay.

PW:     May iba pa bang bagay na nakatulong sa iyong pagbangon? 

JCR:   Kung babalikan, hindi lang sa sarili ko ako kumuha ng lakas ng loob. Nariyan ang mga kaibigan na hindi ko na babanggitin dahil masyadong marami. Ang pinakadramatiko na lang ang babanggitin ko. Si Jimmy Abad na isang kaibigan sa akademya na noo’y nagbigay ng key chain na mula sa Singapore. Ang key chain na ito sa kung anong dahilan ay hindi nasunog habang ang mga katabi nitong titulo ng lupa, bank account at passport ay nilamon ng apoy. Ang halaga ng key chain ay parang tanikala. Ang buhay ko ay nakadugtong sa buhay ng iba pa. Ako man, ay nakadugtong sa aking sining at panulat. Siguro, iyon ang aking kahulugan.

*unang nalathala sa pinoy weekly

posted by: bathatula at 08:45 | link | comments (1) |

Tuesday, 13 September 2005

Lupa, Palay at Panitikan*
 
Rebyu ng Umani
 (Mga likhang sining ng buhay at pakikibaka
 ng mga magsasaka para sa lupa at kalayaan)
Patnugot: Dr. Bien Lumbera
Inilathala ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), 2005 
INILATAHALA NG KMP sa pagdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo ang Umani, (Mga likhang sining ng buhay at pakikibaka ng mga magsasaka para sa tunay na kalayaan). Sa literal na pakahulugan, ang Umani ang paggapas ng mga magsasaka sa dalawampung taon ng kanilang karanasan sa pakikibaka para sa lupa at kalayaan mula sa mala-pyudal na pagsasamantala sa kanayunan.
 
Gaya ng pagbigkis ng KMP sa mga magsasaka sa buong bansa, binigkis ng Umani ang panitikang likha ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang sulok ng bansa. 
 
Hinati sa tatlong bahagi ang mga akda (na kalakha’y tula sa Filipino, rehiyunal na lenggwahe at isang nakasulat sa Ingles at isang sanaysay); Paglawag sa Kasukalan, Singaw at Sigaw ng Tiningkal at Sa Tudling ng Kabayanihan. Patungkol sa paghawan ng masukal na landas ang unang bahagi. Ang ikalawa nama’y tungkol sa paghihinagpis ng mga magsasaka sa kanilang abang kalagayan at kung paano ito babakahin at ang ikatlong bahagi ay ang pagbibigay-pugay sa mga magsasakang nagbuwis ng buhay para sa kanilang ipinaglalaban.
Paglawag sa Kasukalan
Sinimulan ng tulang Ang KMP ni Danilo Ramos ang koleksiyon. Gaya ng nais ipahiwatig ng pamagat, ang tula ay tungkol sa KMP. Nakapaloob sa tula ang kalagayan ng mga magsasaka, pagkakatatag ng organisasyon, ang mga layunin, ang katangiang palaban nito at mga tagumpay na nakamit sa mahabang panahon ng pakikibaka.
 
Binanggit din sa tula ang kadakilaan ng mga martir ng kilusang magsasaka at ang pag-unlad ng organisasyon sa pamamagitan ng pagpulot ng aral sa sarili nitong karanasan bilang isang pambansang samahan. Ani Ramos,
 
Mga ipa at uban sa samahan
Itinapon sa basurahan,
Tulyapis ay inihiwalay sa timyas ng palay
Higit na tumatag ang dakilang samahan.
 
Sa tulang Ika-20 Anibersaryo ng KMP, (mula sa orihinal na Cebuano), hinimay-himay at pinatunayan ni Antonio Flores kung paano nagiging instrumento ng panlilinlang ang estado sa pagpapahirap sa mga magsasaka. Binaybay ng tula ang mga pograma ng mga naging pangulo ng Pilipinas mula kay Marcos hanggang kay Arroyo. Inisa-isa niya ang mga mapanlinlang na programa ng gobyerno sa agrikultura tulad ng Masagana 99, Green Revolution, CARP na aniya’y naging sanhi kung bakit “Magsasaka’y namumroblema kasi hindi ito ang solusyon,” at sa halip ay naglilingkod pa sa interes ng mga multinasyunal na korporasyon.
 
Dalawa ang tula mula sa rehiyon ng Kordilyera. Ang una, Pesante Ti Koldilyera na kolektibong nilikha ng mga lider magsasaka ng APIT-TAKO ay tumatalakay sa kasipagan ng mga magsasaka sa Koldilyera, ang kanilang kahusayan sa pagtatanim at pakikitungo sa kalikasan para ito pakinabangan. Subalit gaano man sila magtulungan para maigpawan ang limitasyong itinatakda ng kalikasan, may mas malaking problema na mas dapat pagtuunan ng pansin,
|
Hindi sapat na patubig
Limitasyon na mai(i)gpawan
Pag ito’y (ating) pagtu(tu)lungan
 
Pero ang pagsasamantala
Ng mga naghaharing uri
Masalimuot na problema
Nakaugat sa sistema
 
Kailangan itong labanan, gibain sa tulong ng uring proletaryado, dagdag ng tula,
 
Para sa kinabukasan
Ng ating susunod na henerasyon
 
Ang pangalawa, ang No Makasao Ti Daga na nilikha ng isang katutubong magsasaka sa Koldilyera ay tungkol sa dayalektikal na relasyon ng tao at lupa. Ana’ng tula,
 
Kung nangungusap ang lupa
Magsasalita siya para sa atin
Sasabihin niya ang sinasabi natin
Na panahon ang naghubog sa buhay
Sa pagbubuklod sa atin:
Pagod natin ang nagpayaman sa lupa;
Tayo at ang lupa ay iisa.
 
Binabatikos naman ng tulang WTO ni Fernando Mangili ang liberalisasyong dulot ng GATT-WTO (General Agreements on Tariffs and Trade-World Trade Organization). Dahil dito, bumabaha ang dayuhang produkto sa lokal na pamilihan na siya namang pumapatay sa lokal na agrikultura.
 
Singaw at Sigaw ng Tiningkal
Ang lupa ay buhay. Tanggalin mo ito sa mga magsasaka at parang tinanggalan mo na rin sila ng karapatang mabuhay. Sa pag-aaral ng KMP, 7 sa 10 magsasaka ay walang sariling  lupang sinasaka. 75% ng populasyon ng bansa ay nakasandig sa agrikultura. Pangunahin namang nakasandig sa agrikultura ang ekonomiya ng Pilipinas, subalit bakit sila ang isinasakripisyo ng gobyerno para makapasok sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan at kalakal para ito kumita? Ito ang paksa ng ikalawang bahagi ng Umani.
 
Sa tulang Mang Tano ni Amanda L. Echanes, mababasa ang pagpapatulo ng pawis ng magsasaka subalit sa kabila niyon, nagkakautang pa siya sa “malupit na panginoong maylupa”. Gayundin ang tema ng tulang Magsasaka ni Orly E. Marcellana. Sa huling bahagi ng tula, nagbabanta ang nakukubang magsasaka,
 
Alam namin ang ugat nitong kahirapan
Alam namin ang lunas upang ito’y wakasan.
 
Ang Sama-sama ni Ka Val ay sumasandig naman sa kolektibong pakikibaka ng mga manggagawa at manggagawang bukid para labanan ang pagsasamantala ng angkan mga Cojuangco-Aquino mga manggagawa at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.
 
Tungkol naman sa buhay ng kababaihang magsasaka ang tulang Kababaihang Magsasaka ni Imelda Lacandazo. Tinatalakay ng tula ang dobleng hirap na dinaranas ng babae sa kanyunan. Bukod sa paggampan sa gawaing bahay at pag-aalaga sa anak, kailangan niya ring makitanim sa bukid ng iba para maatulong sa gastusin ng kanyang pamilya.
 
Tudling ng Kabayanihan
Ang huling bahagi ng libro ay nakalaan sa mga nag-alay ng kanilang buhay para sa pakikibaka para sa lupa at kalayaan. Sa pag-alaala sa mga magsasakang magiting na nakitalad para sa kanilang lupa at buhay, humahango ng inspirasyon ang mga naiwang kasamahan. Sabi nga ng tulang Sulo ng Himagsikan ni Orly E. Marcellana,
 
Kayo ang taliba at sulo ng himagsikan
Na sa ami’y tanglaw sa gabi ng paglalamay
Nabubuwal kayo sa paglilingod sa bayan
Huwaran at inpirasyonsa pakikipaglaban.
 
Subalit sa kabila ng pamamaslang ng “estado at berdugong militar”(Alay kay Kasamang Isaias) sa mga magsasaka, naninindigan pa rin ang mga naiwan para,
 
Lungkot ay pawiin, ibaling sa katapangan,
Landas ni Ka kano ating pamarisan
Ipagpatuloy ang pakikibakang kanyang naiwan!
(Alay kay Kasamang Kano)
 
Sa payak at munting koleksiyong Umani, ipinakita ang buhay at pakikbaka ng uring magsasaka. Sa pamamagitan ng Umani, narinig ang tinig ng paghihinagpis, pagkapoot, pag-asam at lunggati mula sa mga tunay na nakadarama at nakaranas nito, ang mga magsasaka.
 
Isang malaking ambag sa panitikan ang Umani. Sa pagbasa rito, ipinakikilala sa atin ang mga imahe(n) ng lupa, palay, tiningkal, usura, liberalisasyon sa agrikultura, kumbersiyon at iba pang salitang nagpapainog sa buhay ng mga magsasakang nagpapakain sa sambayanan.
 
 
*Unang nalathala sa Pinoy Weekly

posted by: bathatula at 10:26 | link | comments |

 

About me

Blogger:
Name: soliman agulto santos

Contact me
My profile
Linkme
Subscribe to this blog

Recent comments

Mo'nonymous on Kung Ako’y Lim...

 

Counter

visited *loading* times